Wednesday, April 2, 2008

Saranggola

Natapos ko na ang matinding pagsubok – pagsubok na yumanig sa pundasyon ng aking katauhan. Matatapos na rin ang araw ng taong nasa likod ng aking pagbagsak.

Ikaw! Ikaw na talangka ang siyang dahilan.

Sa tingin mo ba’y makakatakas ka sa ginawa mo? Sa tingin mo ba’y palalampasin ng isang henyong tulad ko ang mga pasakit na dinulot mo sa akin? Hindi. Matitikman mo rin sa tamang panahon ang pait ng matamis kong higanti.

Ngayon na ang panahong iyon. Ngayon, malalaman ng lahat na hindi ako ang nagkamali, na hindi ako ang siyang dapat kamunghian – kundi ikaw!

Masaya ako noon. Masaya ka rin. Wala tayong kamuwang-muwang na nabubuhay ang isa’t isa. Gumagalaw tayo sa magkabilang mukha ng mundo. Sa liwanag ng araw ka nagsasaya. Sa madilim at malamig namang lupalop ako naghuhumikahos. Sa kalagayan kong iyon, nagtagpo tayo. Ngunit hindi tayo nagpakialamanan. Hanggang sa…

Natanaw ko ang isang maliwanag na bituin mula sa kadiliman ng aking paligid. Namangha ako at natuwa. Sa wakas, naabot ko rin ang matagal ko nang inaasam. Sa panahon ding iyon, taglay ko ang isang bituing buong buhay mo ring pinangarap.

Nainggit ka.

Sa pag-akyat ko sa tugatog ng aking mga pangarap ay siya ring pagkalaglag ko sa bangin ng iyong kasamaan. 

Nalunod ako sa tinik mong mga salita at pangungutya. Lagi mong sambit na nakaw ang hagdang ginamit ko upang makamit ang bituing hawak ko ngayon.

Ang tala ko na dati’y nagniningning, ngayo’y nabahiran ng mantsa na dulot ng putik na dinampot mo sa lupa at itinapon sa aking mukha.

Kasalanan ko din naman. Nag-iwan ako ng mga kaaya-ayang tali sa harap ng madungis mong mga sipit. Hindi ko inakalang sa kabila ng lahat, magagawa mong hilahin pababa ang mga tali ko na siya tuloy nagdulot sa akin upang mahulog sa lupa. Ilang luha rin ang dumampi sa aking mga pisngi. Halos mabali na ang aking mga buto, masugat sa mga tinik na iyong ikinalat sa tahanan mong lupa. Ngunit higit kong ikinasadlak ang pagkadurog ng aking katauhan, pagkawasak ng aking pinakaiingatang dignidad. Iyan tuloy, ayoko nang lumabas. Baka makita pa ng ibang mga tao ang mga sugat, mga galos na dulot ng aking kamangmangan.

Ngunit kasalanan ko din bang natukso kang hilahin ang mga tali kong abot ang rurok ng tagumpay?

Halos hindi na ako makabangon sa layo ng kinahulugan ko. Natatanaw kong halos ikamatay mo sa tuwa ang mga pangyayari. Lalo akong nanghina nang nakita kong ikinumpas mo ang kamay mong hawak ang lamparang may mabuting apoy. Bakit ikaw pa na siyang dapat sa kapwa mo’y mag-aruga? Nawasak ang lahat sa akin. Maliban ang isa. Ang aking tala. Nabasag man ito sa paghalik niya sa iyong lupa, lumikha naman ito ng mga pira-pirasong bituin – mga bituin na ngayo’y nagbibigay liwanag sa aking mga pagkakamali, mga bituing naglalagablab na siyang papaso sa nanlalamig mong inggit.

Lumipas ang mga buwan na humihiram ng liwanag mula sa araw. Naghilom din ang aking mga sugat. Kinalimutan mo ang lahat na parang walang nangyari. Ngunit ako… kahit kailan, hinding hindi lilisan sa aking isip ang mga bitak na nabuo mula nang hinila mo ang mga tali ko.

Ngayon na ang tamang panahon upang matikman mo ang pait ng matamis kong paghihiganti. Ngayon na ang sandaling iisipin mong nasayang lahat ng pagod mo sa paghila sa mga tali ko. Ngayon mo maiisip na isa ka lamang butil ng buhangin sa abot-tanaw na dalampasigan sa madilim kong paligid.  Ikaw na talangka, ngayon, sa wakas, akin, ikaw, nagtagpo.

Habang ika’y pinapawisan, habang ika’y inaanod sa kailaliman ng dagat mong kasakiman, habang walang pakundangan mong ipinakita sa akin ang itsura mong wala nang mas sasama pa, narito ako… sasalubungan ka… ng ngiti.

Natapos din ang lahat. Sino ngayon sa atin ang dapat kamunghian?

No comments:

Post a Comment