Thursday, November 15, 2007

JEEPNEY (Ikalawang Bahagi)

Ikalawang Bahagi

Itinaas ko ang aking kanang kamay sa daan, at tumigil sa harap ko ang isang makulay na jeepney. Sumakay ako agad dahil nagbabadya na naman ang mga nag-iitimang ulap. Parating na maya-maya ang ulan na siya muling susubok sa liksi ng aking katawan. Sumakay ako, sabay ng labing-pito pang mga pasahero na sumilong sa panandaliang paraisong ito.

“Manong, bayad ho,” sambit ko habang inabot ko ang anim na pisong nahagilap ko sa aking bulsa. Kinuha ng katabi ko ang bayad ko sabay alok sa palad ng drayber.
Naghihintay ako ng barya, ngunit walang dumating.

“Manong, ‘yung – ” Naalala ko. Anim na piso lamang pala ang binayad ko. Sakto lang. Wala nang dahilan para maghintay ng kung ano. Habang nahihilo sa aking sariling kamangmangan, napatingin ako sa ibang mga pasahero.

May isang babae sa kabilang upuan na nagbubuklat ng kanyang libro. Naalala ko, iyan din yaong inaaral ko noong mga panahong sumisigaw ang aking tiyan sa gutom. Natawa lang ako, hay, first years talaga. Hiniling ko na lang n sana ay pumasok sa utak niya ang mga letrang nakikipagsabayan sa indayog ng sasakyan.

Sa tabi ko naman, nilabas ng isang lalaki ang kanyang iPod. Iniangat niya ito, at inikot niya ang kanyang hinlalakisa sa harap nito, at kanyang ibinulsang muli. Rinig ko ang musika na nagmumula sa tainga niya na may nakasabit na puting earphone. Naisip ko na lang kung bakit kailangan pa niyang makinig sa musika gayong pare-pareho na kaming mahuhuli sa klase. Patawarin ako’t sa palagay ko’y ipinagyabang niya lamang ang magara niyang kagamitan na alam ng lahat ay mahal. Tinitigan ko ang mukha ng lalaki. Lagi ko pala siyang nakikitang bumababa sa amin, may puting earphone. Taga-Carillo din pala, pangupahang bahay ng may-kaya o mga taong gaya ko na tinamad lang maghanap ng mura.

Sa kanan ko’y isang babaing kanina pa naghahabulan ang daliri sa kakapindot sa kanyang Nokia N73. Pangiti-ngiti pa ito na parang nang-aasar. Hay! Sa inis ko, nilabas ko na lamang sa aking bag ang isang lulumaing libro na hiniram sa kaklase. Susubukan kong gayahin si Ading na nagbabasa ng Microbiology. Iba naman sa akin, mas malaki pero pareho din ang may-akda, para sa mga second years.

Nagkukwentuhan naman sa harap ko ang tatlong babaeng kanina pa dada nang dada tungkol sa iba’t ibang mga bagay – mula sa cellphone, hirap nila sa Ana-Physio, boyfriend, damit at pati tokneneng ni Aling Eunice sa harap ng waiting shed sa amin. Naglalaro na naman sa isip ko ang pag-asang maaari silang mag-host sa isang talk show. Sa tabi nila ay isang babae na mukhang mambabarang dulot ng sobrang kapal niyang eyeliner. Inisip ko na lamang na paraan niya lahat iyon upang maipadama ang sarili.

Napansin ko rin sa linya sa kabilang linya ang magkasintahang bihasa sa pakikipag-PDA. Halik dito, haplos diyan. Ang ibang mga pasahero pa tuloy ang naiilang para sa kanila.
May mga ilan-ilan ding magugulang na nakisakay sa jeepney ng mga bagets. Isa rito ang ale na may kandong na bata. Ang isa may balak atang manigarilyo.

Tumirik ang sasakyan. Naghihintay ang drayber ng mas marami pang pasahero. Nainip ako. Parang tumigil rin ang pag-andar ng buhay ko at parang wala na kong mararating, maabutan. Bakit kailangan niya kaming idamay sa paghahanap-buhay niya? Mahuhuli na kami sa klase! Uminit bigla ang ulo ko, ngunit napalingon na lamang ako sa iba pang pasahero na parang hindi alam ang nangyari. Napaisip ako.

Sa dinami-dami ng tao sa siyudad, nagtaka ako kung bakit pinagtagpo ang labin-walong tao sa isang makulay na jeepney sa ganitong araw sa ganitong klaseng oras. Parang kakaiba, sapagkat pinagbuklod nga kami, ‘di naman kami nag-uusap. Ngunit inakala ko na sa kadalasan kong pagsakay sa nga sasakyang pampubliko, wala akong matutunan. Nagkamali ako. Ang tangi ko lang dapat gawin ay makinig sa ugong ng buhay, at hayaang tangayin ako nito sa aking napiling destinasyon.

Nagsibabaan na sa Gate 3 ang halos kalahati ng mga pasahero. Napagtanto kong iba iba pala ang destinasyon ng bawat nilalang dito sa mundo. Mayroong nauuna, mayroon ding nahuhuli. Isa ako sa mga nahuhuli sa pagdating sa aking paroroonan. Batid ko ‘di ko pa naaabot ang aking mga pangarap, at mahaba pa ang babaybayin ng jeepney ko. Marami mang lubak na daan ang masagasaan ko, iindahin kong lahat ang mga ito kahit gaano kasakit ang dulot nitong kalog sa utak, puso at bulsa ko. Kaunting tiis pa.

Umandar muli ang jeepney. Nagbuga ito ng maitim na usok na siyang dulot ng masaklap kong karanasan sa buhay. Iiihip ito ng hangin at aangat ito sa tugatog ng kalangitan upang malaman ng Diyos ang mga hinagpis na matagal ko nang nadarama. Hiling ko’y madinig ito ng mga anghel sa langit, at ulanan ako at ang pamilya ko ng grasya.

Lumiko ang sasakyan pakanan, at humampas sa mukha ko ang malamig na hanging nagmumula sa silangan. Sa palagay ko’y hinaplos ako ng lamig upang mamanhid ang katauhan ko sa mga darating pang karayom na tutusok sa akin. Niyakap ko ang sarili. Sumikat na ang araw ngunit ‘di ko ramdam ang init nito sapagkat nakaharang ang mga ulap. Patuloy ang jeepney sa paglakbay sa makabayang kalye, lubak-lubak.

Kadalasan, nakikita ko sa bintana ng jeepney ang mga taong piniling maglakad. Ganoon din ako dati. Ngunit, kasalanan ko bang may maipon akong anim na piso at sila wala? Kasalanan din ba ng katabi kong mahirap ako at siya mayaman? Nadarama kong ayoko nang manatili sa sasakyang ito. Nasasakal ang utak ko sa kaiisip sa mga nagaganap sa aking paglalakbay.

“Manong, para.”

Sa tingin ko ba’y narating ko na ang destinasyon ko? Hindi. Umapak ako sa mamasa-masang aspalto at dali-daling tumakbo sa silungan. Umugong na muli ang jeepney at umalis. Mula sa oras na ito, maglalakad na muli ako, ang putik tatalsik sa aking likuran. Wala na akong magagawa pa. Kung susubukan kong linisan ang mga talsik sa luma kong pantalon, mababasa ako sa ulan at higit akong masasadlak. Parang sa loob ng jeepney, kung susubukan mong kausapin ang katabi mo na ‘di kakilala, mapapahiya ka lang.

Ang jeepney nga naman. Makulay, maingay, pahinto-hinto, dumadaan sa kung anong daan, parang buhay ko.

No comments:

Post a Comment