Unang Bahagi
Ramdam ng aking mga paa ang bigat ng pasanin ko. Dala-dala ko ang malaki kong Hawk Bag na binili ko pa nu’ng hayskul. Laman nito ang librong nahiram ko sa Charles Vath Library. Huli na naman ako sa pagsauli ng libro; madaragdagan na naman ng tatlumput-apat na piso ang matrikula ko.
Nasa Assumption Road na ako sa tapat ng UB nang may nalanghap ang aking malangis na ilong. Nananawag ito, nang-aakit at nanghahalina— ang amoy ng nilulutong hamburger.
Akmang bubuksan ko na ang bakpak ko nang bigla kong naisip — wala akong pera, kailangan kong magtipid. Kaya nga ako naglalakad pauwi mula sa tugatog ng Gonzaga 401 hanggang sa kailaliman ng isang pangupahang-bahay sa Brookside. Pero sanay naman na ako. Sa katunaya’y nagkaroon na nga ng muscle build-up ang dating payat kong mga hita.
Nagpatuloy ako sa paglalakad.
“Renz, hintay!”
Napalingon ako sa direksyon ng tinig at nakilala ko iyon bilang si Derry.
“O Derry, ikaw pala! Saan ka pupunta?”
“Sa Accounting Office,” sambit niya. “Magbabayad na kasi ako ng tuition. Bibili na rin ako ng Libro para sa Chemistry.Required tayong magkaro’n ng gano’n di ba? Eh ikaw? Sa’n ka pupunta?”
“Ah wala. May gagawin lang ako sa White and Blue office,”palusot kong sagot.
Napangiwi si Derry sa sagot ko. Nguniy hinayaan na lang niya ito at nagpaalam na siya sa akin.
Nalungkot ako sa mga binanggit niya. Gusto kong mainggit. Hindi! Naiinggit na ako! Buti pa siya. May pambili ng libro at may pambayad ng matrikula. Eh ako? Hiniram ko lang ‘yung libro sa dating kaklase, at hindi pa nagpapadala ng pambayad ng tuition atallowance si Mama. Gusto ko ring mainis sa mga magulang ko. Minsan, naisip ko nga kung bakit kami nagkaganito, kung bakit walang laman ngayon ang itim kong pitaka. Tadhana ba ito o likha ng aming gawa?
Senior High School pa lang ako noon. Nagsimulang umikot ang gulong ng buhay ng pamilya nang nagbalak si Daddy na mangibang-bansa. Taglay niya noon sa kanyang mga mata ang pananabik na matupad ang mga pangarap naming unti-unting tinatangay ngayon ng hangin.
“Rency, ania manen ti awag mo’t kwarta ti Saudi? (Rency, ano ba ulit ang tawag no sa pera ng Saudi?),” masayang itinanong sa akin ng aking ama.
“Riyal, deh.”
“Diay Jordan ngay? (Sa Jordan ay?),” hirit niya.
Ganito kami mag-usap kami kadalasan. Kapag ini-Ilocano ako, Filipino ang isinasagot ko.
“’Di ko na alam, Deh. Ba’t mo ba kailangang mag-abroad?”
“Kit agkolehiyokan. ‘Di ka’y mapag-adal mo nu furnituringlaeng ubraek. Nursing pay ti kursoyo nga duwwa.(Magkokolehiyo ka na. Hindi ko kayo mapag-aaral ‘pag furnituring lang ang trabaho ko),” paliwanag niya.
Halatang nagtaka siya sa sagot ko. Nasanay kasi siyang sinasagot ko lahat ng tanong niya. Halos alam ko daw kasi lahat. Nilipat ko ang tsanel ng kaharap kong telebisyon nang biglang may sinambit siya.
Renz, nu adadiayak abroaden, aggaggagitkayo, ah? Tarakinenyo nga nalaeng ni Inang ken ni Mamayo. (‘Pag nasa abroad na ako, magsisipag kayo ah? Alagaan niyong mabuti si Inang at ang Mama niyo.).”
Napailing na lamang ako sa kakornihan niya. Patuloy ang buhay.
Lumipas ang maraming buwan ngunit ‘di pa rin nakakaalis si Daddy. Ganoon pala ang may kapamilyang mangingibang-bansa. Mababaon ka sa sandamakmak na loan o utang. Nagrereklamo ako dahil hindi ko na nakukuha ang mga gustuhin ko.Nadarama ko na noong mga panahong iyon ang mga putik sa paa ko. Gusto kong tumalon paalis ngunit sa pagtalon kong iyon lalo akong bumaon.
Lumipas na rin ang aking graduation, ang bakasyon, at ang pasukan namin sa kolehiyo. Ngunit nasa bahay pa rin si Daddy, naghihintay, naghihintay, naghihintay…
Agosto 12. Intramural noon at siya ring pag-alis ni Daddy papuntang Abu Dhabi. Masayang-masaya ako noon. Simula na ng pag-angat ng aming buhay. Ipinaaalala ko noon kay Daddy sa tawag ang mga dapat niyang bilhin para sa akin.
Hayun! Ang inakala kong pag-angat ay ang simula pala ng pagbagsak ng buhay at paglitaw ng mga pagsubok naming magpapamilya. Ngunit patuloy pa rin ang buhay, sa pagsapit ng ikalawang semestre.
“Wow, Renz! Ang tataas ng grado mo!”
“Pinaghihirapan ‘yan. Mahirap ang buhay eh.”
“Ang hirap kasi masyado ng subject na ‘to. Phisti!”
Sumingit sa usapan ang isa ko pang kaklase. “Hoy Renz! Magbayad ka na ng tiket!”
Nagulat ako at nalungkot. Masasayang na naman ang araw-araw kong pagtitipid. Maglalakad na naman ako pauwi. Pero kailangan ko kasing bumili niyon; akmang pandagdag sa grado. Kailangan mag-aral ng mabuti. Kailangan talaga. Kung hindi, saan na lamang kami pupulutin?
“Ah, bukas na lang, pwede?” pakiusap ko sa naniningil. Alam niyang wala talaga akong maibabayad kaya hinayaan na lamang niya ako.
“Uy, tara sa SM mamaya. Naubusan na kasi ako ng stocks sa apartmentko,” bulalas ng taong masa likuran ko, halatang may kausap.
“Okay, sige! Sama ako. Bibili na rin ako ng chocolates pati mga damit sa Penshoppe at Kamiseta,” sagot ng kausap.
“Kita tayo mamaya, after classes siguro. Kailangan ko pang i-encode ‘yung sandamakmak na requirements na ‘yan. Naubusan na rin ako ng load,” sabay pakita ang magara niyang selfon na binili pa raw niya sa kung saang lugar na wala akong pakialam.
Napagtanto kong nagpapayabangan ang dalawa. Hay, gusto ko na namang mainis. Hindi lang nila alam kung gaano sila kapalad sa kalagayan nila sa buhay, na may isang tao sa harapan nila na halos mamuti ang mga mata kakaisip kung may padala bang darating. Hindi ko lubos maisip kung bakit may gana pa silang pakainin ang luho nila eh wala pa naman silang trabaho. Nagpatuloy na lamang ako sa aming talakayan ukol sa grado dahil doon ako bida.
Pagkatapos ng klase, dumiretso ulit ako sa Main Campus para mag-shortcut pauwi. Nasa kampus na ako nang naisip kong tumambay muna sa White and Blue office.
“Hello Renz. ‘Yung article mo?” bulalas ni General.
“Nasa computer na. Noon pa ‘yun, ah.”
Biglang pumasok si Ate Anne na kagagaling lamang kumain sa kantina. “Sino’ng gustong pumunta sa Forest House mamayang gabi?”
Halos lahat ng kamay sa opis ay nagsitaasan maliban sa akin at sa isa pang miyembrong may inaatupag sa computer.
“Oh Renz, ‘di ka sasama?”
Mag-isip kaagad ako ng palusot. “Madami akong kailangang tapusin sa bahay.”
Narating ko na ang apartment namin. Akmang bubuksan ko na ang pintuan nang lumantad sa pintuan ang isang payat na babaing nag-aaral ng medisina sa SLU— si Ate Roma. Isa siya sa mga nangungupahan doon at siyang umaasta bilang tagapamahala ng mga bayarin.
“Bukas na ang bayaran ng tubig, kuryente at pati boardingngayong Nobyembre. Pakisabi na lamang sa Ate mo na magbayad na lang sa ‘kin,” paalala ni Ate Roma na tila nanghuhulang ‘di na naman kami makakabayad “on time”.
“Oh sige, Ate. Sasabihin ko.”
Sa kuwarto, sinalubong ako ng ate ko na tila may banta ng isang masamang balita. Nangingiyak siya at may kunot sa kanyang noo.
“Renz, si Daddy!”
Diyos ko! ‘Wag naman po sana. Iyan ang biglang nasabi ko sa isip.
“Anu’ng nangyari kay Daddy?”
“Naiinis na ako. Hindi pa siya nagpapadala. Dalawang buwan na siya ro’n!”
Natulala ako. Parang hinalo ang laman ng bituka ko. Hay, hindi pa rin ba ako sanay? Noon pang Hulyo ang kalbaryo naming ito. Nagpatuloy si Ate.
“Tapos sinisingil na tayo dito sa boarding. Wala tayong maipambabayad!”
“Ano ngarod ang gagawin natin? ‘Di naman ako pwedeng magtrabaho dahil sobrang dami ko nang ginagawa.”
“Isa pa pala. Si Daddy, niloko ng agency si Daddy. Hindi pala working VISA yu’ng hawak niya. Tourist VISA lang pala. Kaya bawat dalawang buwan, kailangan niyang mag-exit para ma-renew daw ‘yung VISA niya. Kaya ‘yun. Imbes na siya ang magpadala, tayo pa ang magpapadala. Kawawa na si Mama na nangungutang kung saan-saan! Pati sa mga co-teachers niya sa School, nautangan na niya!”
Marami nang gumugulo sa isip ko. Mga gawain sa eskwela, mga pagsasanay para sa Dance Troupe, problema sa pera, pag-iisip sa kalagayan ni Daddy sa Abu Dhabi at ang naiwan kong pamilya sa Quirino, at daragdag pa ito! Nakapagtatakang nagkakasya lahat ito sa isip ko. Nararamdaman kong malapit na itong sumabog at magpirapiraso.
Nag-init ang tainga ko sa narinig kong yaon. Nais kong sumigaw at magwala. Gusto kong sugurin si Daddy sa kinalalagyan niya dahil sa kakitiran ng utak niya sa mga panahong pinagsabihan namin siya ukol sa mga maaaring mangyari. Hindi siya nakinig. Tanging nasa isip niya ang makapangibang-bansa. ‘Yan tuloy! Parepareho kaming nagdurusa.
Nanlata ang buo kong katawan! Sadyang pinutol ng lintek na tadhanang ‘yan lahat ng mapagkukunan ko ng lakas. Malapit na akong bumitaw sa mga tinik na pinagbibitinan ko. Tama na! Ayoko nang mag-isip! Gusto ko nang lunurin ako ng tulog, lamunin ng kung ano…
Kinuha ko na ang aking kudson mula sa kwarto nila ate at inilapag ko iyon sa malamig na sala ng bahay. Doon ako natutulog. Hindi ako maaring matulog sa kanilang kwarto sapagkat iyon ang kahilingan ng kasilid ni Ate.
Lumalalim na ang gabi at tinatawag na ako sa mundo ng panaginip, kung saan walang mahirap, walang mayaman, walang katotohanan, puro kawalan. Pangarap nga naman.
No comments:
Post a Comment